Sino Ang Susunod? ( A True to Life Story)


“Bilang isang ina hindi kayang dalhin ng kanyang puso at isipan na mawala ng sunod-sunod ang kanyang mga pinakamamahal.”
Ito ang mga salitang namutawi sa bibig ni Patricia Del Mundo, habang binabalikan ang mga malabangungot na alaala sa buhay ng mga Dela Cruz. Sa kanyang edad na animnapu’t apat, tanda pa niya ang kanyang nasaksihan noong siyang siyam na taong gulang pa lamang.
Ang tirahan ng mga Del Mundo ay hindi kalayuan sa kinatitirikan ng bahay ni Aling Itang Dela Cruz. Kung ikaw ay lehitimong taga Paso de Blas, mas lamang na mayroon kang malaking lupain. Hindi dahil naipundar mo ito, bagkus ito’y minana pa sa ninuno. Sa panahon na ito, naging pangkaraniwan na pinagkukunan ng ikabubuhay ang pagtitibag ng bato. Katulad ng ama ni Patricia na si Mang ‘Ciano at kapitbahay na si Aling Itang, ito ang pinagkukunan ng kanilang ikabubuhay kaya’t hindi maiiwasan ang kumpetisyon sa kanilang negosyo. Dahil madalang pa sa patak ng ulan na may umaangkat ng adobe dahil sa mataas na presyo nito at sa layo ng pinanggagalingan ng mga umaangkat mula sa Laguna at Batangas, isang malaking kasiyahan ang nagaganap tuwing may darating na parokyano. Sa tuwing may dumadating na pamilyar na sasakyan, nagtatalunan sa tuwa sila Patricia pati rin ang mga anak ng mga Dela Cruz. “Tata! Tata! Nandiyan na ang Kristina!”
Kahit na kakumpitensya ang mga Dela Cruz sa negosyo, maituturing ni Patricia na mabait silang kapitbahay. Ilan sa mga anak ni Aling Itang ay naging kababata niya. Subalit labis siyang nagtataka kung bakit nangyari sa buhay nila ang pagkakasunod-sunod na pagkamatay ng apat na miyembro ng kanilang pamilya. Ayon kay Patricia, naitatanong pa rin niya sa kaniyang sarili, “Papaanong kinaya ni Aling Itang ang sunod-sunod na pagkamatay ng kanyang mga mahal sa buhay?
Julian
Karamihan ng mga kalalakihan sa barrio Paso de Blas ay umaasa lamang sa patibagan. Kabilang na rito ang asawa ni Aling Itang na si Mang Julian. Paminsan-minsan si Mang Julian ay nagmamaneho ng truck ng bato at buhangin. Gayunpaman, hindi maiiwasan na magkaroon ng dibersyon o pagkakalibangan ang mga kalalakihan – ang pangangaso. Dito nagkapareho ng hilig ang ama ni Patricia at si Mang Julian na nauwi sa pagiging magkaibigan.
Dahil sa may kalapitan ang La Mesa Dam, doon sila madalas mangaso. Sagana ang mga ibon at pwede ring mamaril ng mga isda. Sa tuwing sila’y uuwi sa kanilang pamilya, bawat isa ay may uwing pasalubong na isda at ibon.
Isang araw, nagkaayaan ang mga kalalakihan na mangasong muli sa La Mesa Dam. Kasama noon si Mang Julian, ang anak na si Maximo na noo’y edad siyam na taon.
“O, Itang aalis na kami ng anak mo! Kailan maaga kami sa tagpuan namin. Marami kaming kasama.”
“O sige, ingatan mo yang anak mo ha! Ikaw na bahala diyan,” sagot ng kayang asawa.
“Inang, alis na kami,” pahabol ni Maximo.
Walang kamalay-malay si Aling Itang na ito na pala ang huling pagkakataon na makakausap ang asawa.
Umalis ang mag-ama gamit ang truck na gagamitin sa pangangaso. Kasama niya kanyang mga kumpare na si Graciano at Doroteo at ilang mga kaibigan. Hindi nakasama ang ama ni Patricia na si ‘Ciano dahil inatake ito ng hika. Dala-dala ang kanilang mga riple, sumakay sila sa truck ni Mang Julian patungong La Mesa Dam.
Karamihan sa kanila ay nakahuli ng dalag na siya ring inulam nila sa tanghalian. Nagmistulang itong maliit na salo-salo. Kinahapunan, nang matiyak na nila na ang bawat isa ay may mga huli, nagkaayaan na silang umuwi. Habang nasa daan, hindi magkamayaw ang mga kalalakihan sa pagkukuwento ng mga karanasan sa pangangaso. Subalit, nang marating na nila ang bahaging pababa ng tulay ng Santa Quiteria Caloocan, biglang nawalan ng preno ang truck na minamaneho ni Mang Julian at bumulusok ito pababa sa ilalim ng tulay patungo sa malalim na bahagi ng ilog. Ang masayang tawanan ay napalitan ng mga hiyawan na balot ng takot hanggang sa ito’y nabalot ng katahimikan.
Sa pagkakarinig ni Patricia mula sa kwento ng kanyang ama na hindi nakasama sa pangangaso, dalawa ang sinawing palad na mamatay. Kasama na rito si Graciano at si Mang Julian.
Teria
Nakilala lamang ni Patricia si Teria sa pamamagitan ng kanyang nakatatandang kapatid na si Elias. Nagkataon na nililigawan niya ito at naging nobya. Minsan, sa kanilang pag-uwi, sakay ng minamanehong jeep, nakita nila si Teria na naglalakad pauwi. Hinintuan ni Elias si Teria at inanyayahang sumakay ngunit tinanggihan ito ng dalaga sa pangamba na makita siya ni Aling Itang na noo’y tutol kay Elias.
“Teria, sakay na! Pauwi na rin ako,” aya ni Elias.
“Huwag na. Baka makita pa ko ni Inang na nakasakay sa jeep mo. Papagalitan na naman ako.”
“Halika na! Malayo pa ang lalakarin mo!”
“Huwag na. Sige na mauna na kayo,” sagot ni Teria.
Nang tingin ni Elias ay talagang hindi na sasakay ng jeep si Teria, sinabayan na lang ng jeep ang paglalakad nito. At nang sa tingin ni Elias ay malapit na sila, iniwanan na njya si Teria sa pangamba na makita pa sila ni Aling Itang na ina ni Teria.
Taong 1963 ng umpisahan gawin ang North Luzon Expressway. Maluwag at patag ang kalsada kaya nakakita ng pagkakataon si Teria na mag-aral sa pagmamaneho. Nagpaturo siya kay Rudy, ang kanilang truck driver.
Mabilis namang natuto si Teria sa pagmamaneho. Kung kaya’t lumakas ang kanyang loob na magpatakbo ng matulin. Ngunit ang kaunting kaalaman niya ang nagpahamak sa kanya. Dahil hindi pa niya masyadong gamay ang preno at pedal ng gasolina, nalito siya at nagkamali ng apak kaya’t sumobra ang kanyang tulin at dito na naganap ang aksidente na kanyang ikinapahamak.
Sumalpok ang truck na minamaneho niya sa isang puno. Naipit ang dibdib ni Teria sa manibela at si Rudy nama’y nawalan ng malay.
Agad sinaklolohan ang naaksidenteng truck at hinugot si Teria mula sa pagkakaipit sa manibela. Dinala siya sa pinakamalapit na ospital subalit binawian ng buhay si Teria at sinuwerte namang mabuhay si Rudy.


Marites
Si Marites ay ang bunsong anak ni Ilang Itang na edad tatlong taon. Natural lamang sa edad na ito na makulit at malikot. Kung saan saan nakakarating para maglaro at hinahayaan lang ni Aling Itang. Kampante si Aling Itang na kahit naglilimayon ang batang ito, ay umuuwi naman.
Subalit isang araw, bandang alas tres ng hapon hinahanap ni Aling Itang ang bunsong anak na si Marites. Nagpunta si Aling Itang kila Patricia at nagtanong, “Nakita niyo ba si Marites?” Nang sumagot silang hindi, tumuloy si Aling Itang sa Manggahan, hinanap doon ang bata baka nakarating doon dahil nagpupunta rin doon si Aling Itang. Ngunit, wala ang bata. Bumalik si Aling Itang sa kanilang tirahan at lahat ay naghahanap na kay Marites.
Sa tagal ng itinakbo ng oras na paghahanap kay Marites, nangangamba na si Aling Itang na mayroong ng masamang nangyari sa kanyang anak. Naroon na maisip niya na dinukot ito o kaya may nakapulot na mag-asawang walang anak.
Sumapit ang gabi at sa bandang likod ng tindahan ni Aling Itang ay may sumigaw na, “Narito na! Narito yung bata!” Humangos si Aling Itang na patakbo sa likod bahay.
“Nasaan? Nasaan ang anak ko?”
“Nandito sa tangke! Patay na!”
Bumulaga kay Aling Itang ang patay na katawan ng bunsong anak. Niyakap niya ang wala ng buhay na si Marites habang humahagulgol. Malapit sa tangke ay nakita ang isang patpat na ginamit umano ng bata upang abutin ang nakalutang na bola. Ngunit, habang pilit na inaabot ang bola, nawala ng panimbang si Marites at siya ring kanyang ikinahulog at nalunod.
Habang pinaglalamayan si Marites sa kanilang tahanan, may usap-usapan na kung bakit sunod-sunod ang namamatay sa pamilyang ito. Tila ba isang sumpa ang nangyayari. Hindi maiwasan magtanong ng iba: “Sino kaya ang susunod? Sana wala na. Kawawa naman si Aling Itang. Una si Mang Julian, sunod si Teria, ngayon naman si Marites.”
Belen
Si Belen ay isa sa mga anak na dalaga ni Aling Itang na nakapagtapos ng kursong Nursing. Tuwing siya’y uuwi mula sa kanyang duty sa Capitol Hospital sa Quezon City, siya ay hatid-sundo ng kanyang kasintahan na si Arnold. Sa loob ng tatlong taon nilang pagiging magkasintahan, napagplanuhan na nilang magpakasal.
Ayon sa pagkakasalaysay ni Patricia, isang gabi, pagkalabas niya ng chapel galing sa pag-eensayo ng choir, natanaw niya sa hindi kalayuan na may isang paparating na babae na nakauniporme ng nars. Kahit hindi niya maaninag ang mukha nito, alam niyang si Belen ito. Hindi niya maaninag ang kanyang mukha dahil wala itong ulo! Lumapit pa ng bahagya si Belen at doon na napagsino ni Patricia na siya talaga ito. Lingid sa kanyang kaalaman, iyon na pala ang huling gabing makikita niyang buhay si Belen.
Pinuntahan pala ni Belen si Aling Itang sa bahay ng kumare nito na si Aling Miling upang magpaalam na siya ay papasok na sa kanyang duty.
“Inang aalis na ko, nandiyan na si Arnold. Ihahatid ako sa ospital.”
“O siya sige, ingat kayo ha!” paalala ni Aling Itang.

Sa pagkakataong ito, sumabat naman si Aling Miling na kumara ni Aling Itang.
“O Belen, kalian ba kami makahihigop ng sabaw?” patuksong sabi ni Aling Miling.
“Ay malayo pa ho yun, ayaw pa ni Inang na ako’y mag-asawa,”
Noong gabing iyon, inihatid siya ng kanyang nobyo na si Arnold sa Capitol Hospital. Habang nasa daan, nagkaroon ng pagtatalo ang magkasintahan. Hindi nila napansin na mayroong nasiraang 10-wheeler truck sa isang madilim na bahagi ng highway na walang kahit anong palatandaan na ito’y nasiraan. Sa tindi marahil ng kanilang pag-aaway, pinatakbo ni Arnold ng mabilis ang kotse at hindi na napansin ang nasiraang truck na nakatigil at bumangga sila sa hulihang bahagi ng truck.         Sa tindi ng salpok sa unahang bahagi ng kotse, walang sino man ang mabubuhay.
Sa unang gabi ng burol ni Belen, marami ang naglamay at isa na roon si Patricia. Sa kagustuhan niyang masilayan ang naging pinsala sa magandang mukha ni Belen, nakita niya ang tahi sa kanyang noo at ang lubog na bahagi ng kanyang mata na tila nagpapahiwatig na natanggal ang isang bahagi ng mata nito. Ang mga bakas ng sugat na nakita ni Patricia sa mukha ni Belen ay isang katiyakan na hindi siya mabubuhay.
Bandang alas-tres ng hapon ay may dumating na isang sasakyan na may dalang kabaong at ipinasok sa loob ng bahay at itinabi sa labi ni Belen. Napakiwari ni Patricia na ito si Arnold, ang nobyo ni Belen. At nasambit niyang, “Namatay rin pala.”
Dito na umagos ang luha at palahaw ni Aling Itang at ang magulang ni Arnold. Maya-maya ay may dumating na pari. Binasbasan ang dalawang bangkay na nasa kabaong. Nalaman ni Patricia mula sa kanyang ama na ikinasal si Belen at Arnold. Nagtaka siya na maaaring palang ikasal ang dalawang taong namayapa na.
Ngayon lang nakita ni Patricia si Aling Itang na nagbuhos ng matinding emosyon sa pagkawala ng kanyang mga mahal sa buhay. Mula kay Mang Julian, Teria, Marites, at Belen, tila naipon sa dibdib ni Aling Itang ang hapdi nang mawalan. Lahat ng mga taong nakapaligid sa oras na iyon ay luhaan din. Damang dama ang kasawian ng isang ina. Habang yapos yapos niya ang kabaong ni Belen, tumingala si Aling Itang at sinabing, “Diyos ko! Bakit?”
Dala marahil na musmos pa lamang si Patricia, naisip niya na tama lamang na kuwestiyunin ni Aling Itang ang Diyos. Ngunit ngayong nasa tamang edad na siya, wala pala tayong karapatang kuwestiyunin ang kagustuhan nito. Siya ang nagbigay ng buhay, siya din ang may karapatang bumawi nito.

Photo credits
Christian Nightmares

Comments

Popular Posts